CALAMBA CITY - Tiniyak kamakailan ni Laguna Provincial Administrator Dennis S. Lazaro na ligtas at mapayapa ang kabuuan ng lalawigan. Sa isang eksklusibong panayam ng SULONG News Team sa batang administrador, nilinaw niya na hindi nagpapabaya ang kapulisan sa pagpapanatili ng seguridad at katahimikan. Ang naganap na RCBC Robbery-Murder at pati na ang Brgy. Hornalan Massacre ay mga pangyayaring hindi lang sa Laguna nagaganap kundi pati na sa ibang panig ng bansa.
Buong kagalakan naman niyang sinabi na ang massacre na naganap sa Brgy. Honalan ay halos lutas na dahil sa pagkakapaslang sa suspek na pumatay sa walong katao. At ang RCBC Robbery-Murder ay malapit na din malutas.
Binanggit din ni Lazaro na nagbigay naman ang pamahalaang panglalawigan lalo na si Gubernadora Teresita Lazaro ng tulong sa mga naulila ng mga biktima sa RCBC Robbery-Murder. Inuna aniya ng kanyang ina na masigurong mahuli ang lahat ng mga suspek na sangkot sa karumaldumal na panloloob sa banko at pagpatay sa siyam na empleyado nito at isang depositor. At meron din inilaan na tulong para doon sa mga naulila naman sa massacre sa Brgy. Hornalan.
Binigyan naman ng linaw ng administrador ang mga bali-balita hinggil sa pagkumpara sa sitwasyon sa Laguna na noong dekada nubenta ay lugar ng rape at ngayong deakada na ito ay lugar naman ng karahasan. "Hindi naman siguro. Distorted and balita," ani Lazaro, "nagkataon lang siguro na malapit tayo sa Metro Manila kaya konting may mangyari nai-isyu kaagad." Dinagdag pa niya na may ibang mga probinsiya na mas malaki pa ang problema kaysa sa Laguna.
Tinanong naman ang administrador hinggil sa kung ano ang mga damage control na posibleng gawin ng pamahalaang panglalawigan patungkol sa nasabing mga insidente. "Hindi tumitigil ang ating kapulisan," sagot ni Lazaro, "at sa totoo lang, kahit si Coloner Rojas ay priority ang paghuli sa mga nasabing suspek at sa pagpapanatili ng katahimikan sa lalawigan."
Inalam din ng SULONG News Team ang mga balitang lumabas na papalaot din sa pulitika ang batang administrador. "Masyado pang maaga para pag-usapan ang pulitika," tanggol ni Lazaro, "magtrabaho muna tayo at siguruhin natin na naibibigay ng ating pamahalaang panlalawigan ang mga tulong at benepisyo ng bawat Lagunense."
Sa ngayon ay umiikot si Dennis S. Lazaro sa bawat bayan at siyudad sa lalawigan ng Laguna upang siguruhin ang mga proyektong pang kalusugan, edukasyon, imprastraktura, agrikultura, at katahimikan ay napapatupad sa bawat lugar at ang bawat Lagunense ay nakikinabang sa mga nasabing programa ni Gubernadora Teresita Lazaro. (JOJO BUSAYONG / PHOTO BY: Arjay Salgado)